Nakakatawa talaga ang love. Isa siyang napakalaking oxymoron. Lahat ng pwede mong masabi sa kanya, baliktarin mo, at totoo pa rin. Ang labo di ba? Pero ang linaw.
Masaya magmahal. Malungkot magmahal. Di mo naiintindihan, pero naiintindihan mo. Walang rason. Maraming rason. Di mo na kaya, pero kaya mo pa rin. Masakit magmahal, pero okey lang. Sus, ano ba talaga?!
May kaibigan ako, ang sabi niya dati, “Love is only for stupid people.” Nakakatawa kasi laude and standing niya. Pero dumating ang panahon, na in-love din ang hunghang. At ayun, tanga na siya ngayon.
Lahat kasi ng nahahawakan ng love, nagiging oxymoron din. O kaya paminsan, nagiging moron lang. Hindi lang kasi basta baliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaligtad din niya. Lahat ng malalakas na tao, humihina. Ang mayayabang, nagpapakumbaba. Ang mga walang pakialam, nagiging Mother Teresa. Ang mga henyo, nauubusan ng sagot. Ang malulungkot, sumasaya.
Nakakatawa talaga. Lalo na kapag dumadating sya sa mga taong ayaw na talaga magmahal. Napansin ko nga eh. Parang kung gusto mo lang ma in-love ulit, sabihin mo lang ang magic words na “Ayoko na ma in-love!” biglang WACHA! Ayan na siya. Nang-aasar. Magpapaasar ka naman.
Di ba nakakatawa rin na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galling galling mo? Pero pag problema mo na yung pinag-uusapan, parang nawawalan ng saysay lahat ng ipinayo mo dun sa namomroblemang tao?
Naiisip mong wala naming mali sa mga sinabi mo. Pero bakit parang wala rin tama?
Bali-baliktad din ang nasasabi ng mga taong tinamaan ng madugong pana ng pag-ibig. “Ngayon ko lang nalaman, ganito pala. Sabi ko na eh!” “Ang sarap mabuhay. Pwede na ko mamatay. Now na!”
At hindi lang yon. Ang sarap ding pagtawanan ng mga taong alam naman nilang masasaktan sila, eh magpapatihulog pa rin sa bangin ng pag-ibig. Tapos pag luray-luray na yung puso nila, siyempre hindi sila yung may kasalanan. Siya! “Bakit niya ako sinaktan?” May kasama pang pagsuntok sa pader yun, at pagbabagsak ng pinto. Hayup talaga.
Mauubos ang buong magdamag ko kakasabi ng mga bagay na nakakatawa, pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Ang dami ko na kasing beses siyang nakasalubong kaya masasabi ko nang eksperto na ‘ko.
Pero wala pa rin akong alam. Pero ang pinakanakakatawa sa lahat ay ang katotohanang kapag gusto magpatawa ng pag-ibig, ipusta mo na lahat ng ari-arian mo, dahil siguradong ikaw ang punchline.
Nakakatawa no?
Nakakaiyak.
Read more!